Pinauuwi sa Pilipinas ang Philippine Ambassador to Brazil na si Marichu Mauro matapos lumabas ang CCTV footage ng kaniyang mga panggugulpi sa kaniyang Pinay household helper.
Sa isang tweet, inanunsiyo ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na nire-recall niya si Mauro habang gumugulong ang imbestigasyon sa kaniyang pambubugbog sa 51-anyos na kasambahay.
“The Philippine Ambassador to Brazil has been recalled effective immediately to explain the maltreatment of her service staff,” sabi ni Locsin.
Pumutok ang balita sa Brazil noong Linggo matapos ipalabas ng Globo News ang mga CCTV footage kung saan kita ang pananakit ni Mauro sa kasambahay.
Sinasabunutan, hinahampas, pinapalo ng payong, at pinipingot ni Mauro ang kaniyang household helper sa mga video sa loob ng kaniyang diplomatic residence.
Taong 2018 nang madestino si Mauro sa Brazil, at nasa ilalim niya rin ang Colombia, Guyana, Suriname, at Venezuela.
Source: ABS-CBN