Sa labanan, isa ka lang sa dalawa. Manalo o matalo. Pero sa kaso ng Pambansang Kamao, hindi uso ang salitang talo.
Ginamit kasi niyang istratehiya ang kasikatan sa napaka-positibong paraan. Isa kasi siyang halimbawa ng isang tao, na nang nagkaroon ng pagkakataon, nilabanan ang lahat ng mabibigat na hamon ng kanyang buhay.
Hanga ako kay Pacquiao. Pero sa totoo lang, ayokong manood ng bawat laban niya dahil ninenerbyos ako. Matapang siya. Matapang niyang ipinakita kung saan siya nagmula at kung ano ang kanyang pinanggalingan.
Mahirap yun, lalo na kung hindi naman talaga ganun kaganda ang kanyang mga naging kahinaan. Ang kawalan ng buong pamilya, kawalan ng mataas na pinag-aralan, at ang mga pagkakataong tinalo din siya ng mga bisyo at tukso. Hindi ganun kadali para sa maraming tao, lalo na kung sikat, ang umamin sa mga pagkakamali.
Pero si Manny, pati hiya niya nilabanan din niya. Kaya kampeon din siya sa totoong aspeto ng buhay.
Bugbog-sarado man siya sa laban, milyon-milyon pa rin ang binibigay niya sa mga pamilyang walang matirahan sa Sarangani (c/o Habitat for Humanity Philippines). Suportado din nya ang mga kabataan sa paghubog ng kakayahan sa Sports, na siya rin mismo, kasama ng ilang mga kaibigan sa politika, at mga promoters ang nagbibigay-pondo.
Ginawa niyang paraan ang kanyang kasikatan para makinabang ang maraming tao.
Ok, sugal na kung sugal ang boxing (medyo bunting-hininga pa ko sa resulta ng laban niya ngayon kay Mayweather), pero ito ang kanyang paraan. Dito umikot ang kanyang mundo kaya hindi rin nya ito maiwan-iwan. Ito ang naging daan para siya ay makapagbigay, makatulong, at magsilbing inspirasyon sa Pilipino.
Manalo man o matalo sobrang bawi na siya sa karangalang binigay niya sa bansa. Kahit mga Thai, o Indian, talagang excited silang manood sa kanyang mga laban!
Ano ang inspirasyon ni Manny Pacquiao? Kaya nating lumaban. Wag tayong matakot na matalo. Kasi hindi naman sa lahat ng oras mananalo ka talaga.
Labanan ang kahirapan, mga maling paniniwala, katamaran, kayabangan, bisyo, drugs, at mga bagay na sumisira sa ating pagiging isang Pilipino. Iisa lang si Manny. Pero bawat isa sa atin ay puwede ring lumaban sa hamon ng ating buhay, kung talagang gugustuhin.